P59 milyong halaga ng marijuana sinira sa Kalinga

Maira Wallis Nuarin, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 06:28 PM

Sinira ang nasa P59 milyong halaga ng marijuana sa 9 plantasyong sinalakay sa bayan ng Tinglayan, Kalinga nitong Martes at Miyerkoles. Kalinga Police

Sinira ng mga awtoridad ang P59 milyong halaga ng marijuana sa 9 plantasyong sinalakay sa bayan ng Tinglayan, Kalinga nitong Martes at Miyerkoles.

Isa ito sa pinakamalaking anti-marijuana operation ngayong taon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera.

Natunton ang mga plantasyon matapos maaresto ang 3 umano’y drug courier sa bayan ng Bontoc, Mt. Province noong Sabado. Nakumpiska sa kanila ang 53 marijuana bricks na nagkakahalaga ng P6.3 milyon.

Walang nahuling cultivator sa operasyon sa Tinglayan. Iminumungkahi ng PDEA-Cordillera na ideklarang persona non grata ang mga ito.

Ang pamahalaan ng bayan ng Sabangan sa Mt. Province ay naglabas na rin ng resolusyon para ideklarang persona non grata ang mga marijuana cultivator at tulak ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.