P4M halaga ng droga nasamsam sa Davao buy-bust

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 06:44 PM

Hindi na nakalusot pa ang suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Bunawan Police Station at Davao City Police Office Special Operation Group/City Drug Enforcement. Larawan mula sa Bunawan Police Station

DAVAO CITY - Arestado ang isang 42-anyos na babae sa buy-bust operation sa Kilometer 23 Centro sa Bunawan sa lungsod na ito, Huwebes ng umaga.

Ang nahuli ay isa umano sa mga Social Amelioration Program beneficiaries sa Barangay Bucana, at pangalawang biyahe na niya ito papasok sa Davao City, ani Police Major Noel Villahermosa, Station Commander sa Bunawan Police Station.

"Una noong June 9 nakalusot siya tapos ngayon kung saan nahuli natin siya galing siya ng Zamboanga ngayon," dagdag nito.

Ayon sa pulisya, nakuha mula sa suspek ang apat na malalaking pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 25 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P4 milyon. Nahuli siya matapos bentahan ang isang pulis na nagkunwaring buyer ng droga sa halagang P40,000.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.