PatrolPH

P3.4 milyong halaga ng ilegal na droga, nasabat sa Pagadian

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 10:46 PM

PAGADIAN CITY - Arestado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zamboanga del Sur ang mag-amang Macacuna Ali Gunting, 56 anyos, at Bolkia Asum, 26 anyos, sa ikinasang drug buy-bust operation sa Barangay San Pedro District sa lungsod ng Pagadian nitong Miyerkoles ng hapon.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek na sa isang ahente na pala ng PDEA nila iniabot ang P1.2 milyong halaga ng ilegal na droga sa may parking area ng isang mall sa lungsod.

Ayon kay PDEA agent Jing Judilla, team leader ng PDEA Zamboanga del Sur, matagal na nilang minamanmanan ang mag-ama na pabalik-balik na sa probinsiya.

“Matagal na silang grupo na sinusubaybayan natin mga 3 years or 2 years ago pa. Pabalik-balik sila dito sa probinsiya ng Zamboanga del Sur. Bale last month nagkontak ulit sa amin na papasok sila dito ulit. Doon sa Lanao del Sur, per info malaki talaga ang grupo, malaki talagang grupo na nagdistribute not only Lanao Sur pati po Lanao Norte,” ani Judilla.

Umabot sa kalahating kilo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P3.4 milyon ang nakumpiska ng awtoridad mula sa mga suspek.

Taong 2017 nang unang nakipagtransaksyon sa kanila ang PDEA pero hindi natuloy.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mag-amang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.