Negros Oriental may 2 bagong kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 07:55 PM

Dalawang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa Negros Oriental nitong Huwebes - kapwa bumiyahe sa probinsiya mula sa mga lugar kung saan maraming naitalang kaso ng coronavirus.

Ayon kay Dr. Liland Estacion, Assistant Provincial Health Officer ng Negros Oriental, kapwa asymptomatic o hindi nakitaan ng mga sintomas ng COVID-19 ang dalawang nagpositibo sa virus.

Isa sa mga ito ay isang 27 anyos na lalaki na na-stranded mula Cebu, isa sa mga lugar na itinuturing na hotspot ng virus.

Umuwi siya ng bayan ng Manjuyod at kasalukuyang nasa quarantine facility.

Ang isa namang nagpositibo ay 22 anyos na lalaki na galing Caloocan City sa Metro Manila, ang episentro ng virus outbreak, at bumalik sa bayan ng Mabinay kung saan nakatira ang kaniyang live-in partner.

Nasa quarantine facility din siya ng kanilang lokal na pamahalaan.

Kasalukuyang may limang active COVID-19 cases ang Negros Oriental kasama na ang bagong naitalang mga kaso.

- Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.