Naka-quarantine na OFW na umuwi sa bahay, kinasuhan

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 06:11 PM

Kinasuhan ng mga pulis ang isang overseas Filipino worker mula Hong Kong matapos na umuwi sa bahay kahit dapat ay naka-quarantine sa Leganes, Iloilo. Nony Basco, ABS-CBN News

LEGANES, Iloilo - Balik sa quarantine facility ang isang 34 anyos na overseas Filipino worker na galing Hong Kong matapos siyang arestuhin ng mga pulis Martes ng gabi dahil hindi tinapos ang quarantine at umuwi sa bahay.

Dumating sa Iloilo ang nasabing OFW noong Hunyo 14 at nanatili muna sa isang hotel habang naghihintay ng resulta ng kaniyang swab test.

Martes nang makauwi siya sa bayan ng Leganes pero hindi siya pinayagang mag-home quarantine dahil highly populated umano ang lugar kung saan siya nakatira.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Officer Glenda Gulmatico, pumayag din ang OFW na pumasok na lang sa quarantine facility kaya nagulat din sila nang malamang umalis ito. 

Natunton siya ng medical personnel, kasama ang mga pulis, sa bahay at pinakiusapan na sumama pero nagmatigas pa ito. 

Nakipagtulakan pa umano ang OFW kaya nasugatan ang isang police officer na umalalay sa kaniya. 

Negatibo naman sa dalawang COVID-19 test ang OFW kaya’t wala naman itong panganib na dala sa kalusugan sa kaniyang mga kaanak at nakasalamuha. 

Gayunpaman, sinampahan pa rin siya ng mga pulis ng kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act at resisting arrest sa piskalya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.