Mga UV Express, lumang jeep balik-kalsada sa susunod na linggo: LTFRB chief

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 01:07 PM

MAYNILA — Papayagan nang magbalik-kalsada sa susunod na linggo ang mga UV Express at lumang jeepney, sabi noong Miyerkoles ng tagapamuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang pagdinig sa Kamara, tinanong ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si LTFRB Chairman Martin Delgra kung kailan papayagan ang muling pagpasada ng mga UV Express at mga traditional jeepney.

"Next week for both UV and traditional jeepneys," sagot ni Delgra.

"For Monday, may bubuksan na mga UV, and then followed by the traditional jeepney," dagdag niya.

Noong Marso, natigil ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan bilang bahagi ng community quarantine measures na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease.

Ilang uri ng public transportation ang nagtuloy ng operasyon nang luwagan ang mga lockdown nitong Hunyo.

Idinaing ng maraming jeepney driver at operator ang kawalan ng kabuhayan nitong mga nagdaang buwan. Ang ilan sa kanila ay nauwi na sa paglilimos.

Isang grupo ng mga jeepney operator naman ang nagbabala na ibabalagbag at susunugin ang kanilang mga jeep sakaling matuloy ang pagpapatupad ng isang memorandum na magbibigay umano sa mga modern jeepney ng ruta ng mga tradisyunal na jeep habang may general community quarantine sa Metro Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.