Internet allowance ng mga guro, isinusulong sa Senado

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 10:01 PM

Isinulong sa Senado ang pagbibigay ng internet allowance sa mga guro.

Sa inihaing Senate Resolution 456 ni Senador Grace Poe, hinihimok nito ang Executive Department na magbigay ng allowance sa mga pampublikong elementary at secondary school teachers habang nagpapatupad ng online classes.

Giit ng senadora na chairperson ng Senate Committee on Public Services, dapat ding matulungan ang private school teachers.

Hindi na kasi anya kasya ang one-time cash assistance ng DepEd na P3,500 na chalk allowance.

Kung dati anya chalk ang binibili, di hamak na mas mahal ang internet fee.

Base anya sa panukala ng mga grupo ng mga guro, nasa P1,500 per month ang dapat na ibigay sa kanilang internet allowance.

Kung kukwentahin, sa 857,000 guro ng DepEd, aabot sa P1.2 billion per month o P12.8 billion sa 10 buwan.

Ayon pa kay Poe, 4 percent lang ito ng total loans ng gobyerno na aabot sa US $6.4 billion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.