Influencers balak kasuhan ang 3 umano'y malaswang negosyante

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 05:38 PM | Updated as of Jun 28 2020 09:07 PM

Desididong magsampa ang kampo ng influencer ng reklamong paglabag sa Data Privacy Act at Anti-Sexual Harassment Act laban sa 3 opisyal ng kompanya. Nagde-demand din sila ng public apology at P2 milyong danyos. Screengrab

MAYNILA — Balak ireklamo ng ilang social media influencer at endorser ang mga opisyal ng isang cookie company dahil sa umano’y paglabag sa data privacy act at sexual harassment.

Sa Twitter unang isinambulat ng social media influencer na si Kimberly Ann Cruz ang kaniyang galit sa kompanyang Cookies by the Bucket.

Sa pamamagitan ng mga screenshot, ipinakita ni Cruz kung paano kinalat ng isang opisyal ng kompanya ang kaniyang personal na impormasyon at mga retrato sa iba pa nitong mga kasamang lalaki.

Kuwento ni Cruz, kinontak siya noon ng kompanya para bigyan ng cookies kapalit ng pag-promote nito sa kanyang social media accounts.

Dito niya binigay ang kaniyang address at phone number.

"Nakakagalit kasi we’re girls and hindi tama na magbigay ng personal number and private addresses to use it maliciously. It’s dangerous also... The fact that they’re using a brand to get these types of information... Ginagamit siya without our consent," ani Cruz.

Sa mga screenshot, makikita ring pinag-uusapan sa chat group ang isang retrato ni Cruz kasunod ng ilang malalaswang komento mula sa mga opisyal ng kumpanya.

Watch more in iWantTFC

"I left out the names of the executives... The moment I posted, a lot of employees messaged me privately with their own stories... I think as an influencer, we have to influence people the right way. Meron kaming following, women especially... When I heard about it at first, I felt very heavy. Kung itatago mo lang, it affects your mental health," sani ni Cruz.

Ilang influencer at endorser pa ang nagkuwento rin ng hindi magandang karanasan sa mga opisyal ng Cookies by the Bucket.

"I was part of the screenshot. My address and number were there. He sent it to someone else. I posted on social media to warn other influencers and people to be careful," sabi ni Jamina Margaret Cruz. 

"We made a group na because this is happening. Our information is shared... I felt more like strong. It’s just about helping each other and knowing that you’re not alone... Not just women, but also men, including everyone," sabi naman ni Kim Nichole Baranda. 

Desididong magsampa ang kampo ng influencer ng reklamong paglabag sa Data Privacy Act at Anti-Sexual Harassment Act laban sa 3 opisyal ng kompanya.

Dagdag dito, nagde-demand din sila ng public apology at P2 milyong danyos.

"Galit na galit sila. Kinolektahan sila ng personal information, cellphone numbers and addresses, pati photos in the guise na they will be influencers. They will be working for the company. Imbes na i-safeguard ang data na hawak nila, pinamigay pa ito. May halong malisya pa yung pagshare," sabi ni Rafael Vicente Calinisan, abogado ng influencers.

"Humingi rin kami ng danyos, P2 million, a portion of which will be given to ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation," dagdag ni Calinisan. 

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang pahayag ng Cookies by the Bucket at mga opisyal nito pero hindi pa sila sumasagot sa mga text at tawag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.