Iligan City, itinangging overpriced ang mga binili noong 2018

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 11:21 PM

ILIGAN CITY - Itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Iligan City na overpriced ang mga gamit na pinamili ng kanilang opisina noong 2018.

Ipinakita ni Atty. Dexter Sumaoy, ang chairman ng Bids and Awards Committee ng Iligan City, ang purchase order ng mga pinamili ng lokal na pamahalaan noong taong 2018 upang patunayan na mali ang interpretasyon ng kanilang mga kritiko sa inilabas na report ng Comission on Audit.

Ayon kay Sumaoy, hindi isa-isang binanggit sa report ng COA ang mga pinamili ng LGU dahil summary lang ito at inakala umano ng mga kritiko na overpriced na.

Naipaliwanag na umano nila ito sa COA kaya hindi nakasaad sa report na overpriced ang mga pinamili.

Kumalat sa social media na P21 ang presyo ng bawat isang bananacue na ipinakain sa nag-imbentaryo ng NSC property noon, P600 per kilo rin umano ang bili sa karneng manok na ipinakain sa isang programa ng LGU, at higit P2,000 ang kalahating kilo ng sibuyas.

May kasamang softdrinks ang banana cue at ibang sahog ang karneng manok at sibuyas kaya umabot sa ganoong presyo.

Kabilang sa akusasyon na masyadong mahal ang P1,300 bawat 25 kilo na bigas na binili at ipinamahagi ng LGU sa mga apektado ng quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sumaoy, tumaas talaga ang demand ng bigas dahil sa pandemya kaya mahal din ang bili nila ito.

Hindi rin umano maiwasan ang middleman lalo't walang kakayahang magbayad ng cash ang LGU at walang exporter ng bigas na gustong maghintay ng bayad na ipoproseso pa.

“Kung may nakita silang maraming anomaliya, magdemanda sila at haharapin ko sa korte,” sabi ni Mayor Celso Regencia.

Nakahanda naman silang humarap sa ipinatatawag na committee hearing ng konseho sa susunod na Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.