'Gutom na ang inaabot': Jeepney drivers sa Calamba idinaing ang kawalan ng hanapbuhay

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 04:49 PM | Updated as of Jun 25 2020 07:25 PM

Watch more in iWantTFC

Nangutang ng P1,500 si Dante Callo — isang jeepney driver mula Calamba, Laguna — sa tiyahin niya para may pambili ng plastic, na ginamit niyang divider sa mga upuan ng kaniyang unit upang magkaroon ng social distancing ang mga pasahero.

Nangako si Callo na ibabalik agad ang inutang dahil akala niya makakapasada na siya.

Dahil gutom na ang inaabot sa kawalan ng pagkakakitaan, pinauwi na niya sa Camarines Sur ang mga anak. Nakikikain naman muna siya sa kaniyang biyenan.

"Buti sa probinsya kahit papaano makakakain ng kamote mga anak ko, dito talagang lugaw na," ani Callo sa panayam ng ABS-CBN News.

Halos araw-araw naman iniisip ni Santy Bersoto ang kaniyang mag-ina sa Naujan, Oriental Mindoro.

Wala siyang maipadala para tustusan ang kaniyang pamilya.

Minsan sinusubukan niyang umekstra sa construction pero hindi pa rin umano sapat ang kita.

"Masakit nga po sa kalooban at wala nga po maitulong kahit ano'ng gawin talagang wala po maipapadala," ani Bersoto.

Kapuwa nakiki-boundary lamang ng jeep sina Callo at Bersoto.

Dati, masaya na sila kapag kumita ng P800 kada araw. Sapat na umano ang halaga para buhayin ang kani-kanilang pamilya.

Pero simula nang ipahinto ang biyahe ng jeep dahil sa COVID-19 pandemic, naranasan nila ang hirap ng buhay kaya nakikiusap sila na payagan nang bumiyahe.

"Baka tayo ay mamatay na sa gutom niyan... sa palagay ko kapag talagang walang-wala na," ani Callo.

"Sana kay pangulo, bigyan na ng biyahe 'yong mga jeep," apela ni Callo.

"Panawagan ko po sana magkabiyahe na ang jeep para magkaroon na po kami ng hanapbuhay," sabi naman ni Bersoto.

"Gutom na talaga inaabot ngayon, wala nga po pagkakitaan," dagdag ni Bersoto.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, papayagan lamang bumiyahe ang mga tradisyonal na jeep kapag kulang na ang mga bus at modern jeep.

Dasal na lamang nina Callo at Bersoto na mapakinggan ang hinaing nilang mga jeepney driver para muli silang makapasada para sa kanilang mga pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.