'Guidelines sa balik-pasada ng mga lumang jeep inaayos pa'

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang gobyerno sa mga nag-aalborotong jeepney driver at operator na magpakahinahon sa gitna ng banta ng mga ito na ibabalandra at susunugin sa mga lansangan ang mga lumang jeep.

"Sayang naman 'yong jeepney na susunugin nila, puwede naman nila gamitin sa iba like imbes na pasahero ang ikakarga, mga kargamento," ani Alberto Suansing, consultant ng Department of Transportation (DOTr).

"Huminahon sila. Hindi naman nagtetengang-kawali ang DOTr pagdating sa plight nila. Inaasikaso naman," ani Suansing.

Ito ay matapos muling sumama ang loob ng mga grupo ng jeepeny driver at operator matapos tila kumambyo ang Malacanang sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muli nang makapapasada ang mga lumang jeep sa susunod na linggo.

"Wala po kaming kasiguraduhan na binibigay na ang lahat ng jeep ay makakapasada... magkakaroon po ng determination kung alin ang road-worthy," ani Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Huwebes.

Pero ayon kay Suansing, inaayos pa ang mga alituntunin na dapat sundin sa pagbabalik-kalsada ng mga lumang jeep at mga rutang puwedeng pasadahan.

"Marami pang ruta dito sa Metro Manila ang bakante pa para sa mga jeepney... dapat 'yong mga unit nila ay papasa sa inspection ng LTO (Land Transportation Office)," ani Suansing.

"Ang hinihintay natin ang MC (memorandum circular) na ilalabas ng LTFRB... tinatapos pa nila sa ngayon 'yon," dagdag niya.

"Ang gobyerno ay walang intensiyong patayin sila o patigilin ang hanapbuhay."

Ipinaliwanag din ni Suansing kung bakit hindi lahat ng aabot sa 50,000 jeep sa Metro Manila ay sabay-sabay palalabasin.

Ayon sa mga grupong Fejodap at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), papatusin nila kahit kaunti lang ang makakabiyahe sa kanilang mga grupo.

Hiniling lang ng parehong grupo na sabihan agad sila kung aling ruta ang matitira sa kanila at kung kailan talaga sila maaaring pumasada.

Para hindi magmaktol ang mga driver at operator, hinikayat sila ng gobyerno na magsama-sama bilang kooperatiba o kompanya nang mag-qualify sa dinobleng equity subsidy.

Bukod sa mga jeep, sinabi rin ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa pagdinig sa Kamara noong Miyerkoles na maaari na ulit pumasada ang mga UV Express simula Lunes.

Noong Marso, natigil ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan bilang bahagi ng community quarantine measures na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease.

Ilang uri ng public transportation ang nagtuloy ng operasyon nang luwagan ang mga lockdown nitong Hunyo.

Idinaing ng maraming jeepney driver at operator ang kawalan ng kabuhayan nitong mga nagdaang buwan. Ang ilan sa kanila ay nauwi na sa pagpapalimos. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.