Cebu City hindi pa rin nakapaglalabas ng bagong quarantine pass

Annie Perez at Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 07:24 PM

Watch more in iWantTFC

CEBU CITY — Dadagdagan ang mga pulis na rumoronda sa lungsod dahil umano marami ang hindi pa rin sumusunod sa mga quarantine protocol dito. 

Base kasi sa rekomendasyon ni Environment Secretary Roy Cimatu na siyang nagmamando ngayon sa COVID-19 response ng Cebu City, kulang ang mga pulis para ipatupad ang mga protocol ng enhanced community quarantine kaya marami ang hindi pa rin sumusunod.

Sa pangalawang araw na pagkakapaso ng mga quarantine pass ng mga residente, marami pa rin ang nasa labas, hindi nagsusuot ng face mask at hindi sumusunod sa physical distancing, dahilan para sila ay masita.
    
Wala pa ring guidelines at schedule na inilabas ang Cebu City government tungkol sa bagong quarantine pass.

Ayon kay Mayor Edgardo Labella, patuloy pa ang kanilang pag-uusap kung paano ito gagawin. 

Ngayong gabi, darating ang mahigit 100 elite Special Action Force para tumulong upang ipatupad ang mga quarantine guidelines sa Cebu City. 

Inirekomenda naman ni Cimatu ang paglalagay ng hard lockdown sa 12 barangay na may matataas na kaso ng COVID-19 kung sakaling ibabalik na sa general community quarantine ang Cebu City matapos ang isang linggo.

  • Sambag Dos
  • Kamputhaw
  • Sambag Uno
  • Basak-San Nicolas
  • Mabolo
  • Guadalupe
  • Lahug
  • Duljo-Fatima
  • Tinago
  • Tisa
  • Ermita
  •  Tejero

     Ang mga bagong dating na mga pulis ay itatalaga sa 11 mga barangay na nabanggit. 

TURISMO SUMADSAD

Watch more in iWantTFC

Samantala, bumaba naman nang 90 porsiyento ang kita ng Queen City of the South galing sa buwis sa industriya ng turismo dahil sarado muna ang lahat ng mga tourism sites dahil sa krisis dala ng COVID-19 at mahigpit na quarantine guidelines. 

Sa nakalipas na mga taon, umabot sa P500 milyon ang kita ng Cebu City galing sa tourism industry. Pero ngayon, sa second quarter ng taon, P20 milyon pa lang ang kita sa turismo.

"In terms of the comparison as to last year’s income and this year’s income, it’s maybe 10 percent of the income last year, it’s still below that," ani Joy Pesquera, head ng Cebu City Tourism Commission.

Sa Taboan public market na dinadagsa noon ng mga turista na namimili ng tuyo, lugi na rin ang negosyo. May mga nagsara na ring mga stalls.

Kinumpirma din ng executive vice president ng Hotel, Resort and Restuarant Association of Cebu Incorporated na si Brian Connely na may nagsara nang mga hotel sa siyudad dahil sa krisis at higpit na quarantine guidelines sa Cebu City.

Umaasa ang industriya ng turismo sa Cebu City na susunod sa mga quarantine guidelines ang mga residente para ma-downgrade ang quarantine classification ng lungsod at makabangon na ang turismo dito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.