Bomb depot ng NPA natagpuan sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 03:26 PM

Nadiskubre ng militar ang umano'y bomb depot ng rebeldeng New People's Army na gumagawa ng anti-personnel mine sa Agusan del Sur. Larawan mula sa 23rd Infantry Battalion ng Philippine Army


BUTUAN CITY - Napasok ng militar ang isang pinaghihinalaang pagawaan ng mga bomba ng New People’s Army (NPA) sa isang liblib na lugar sa Barangay Maasin, Esperanza, Agusan Del Sur. 

Nakuha nila dito ang 11 container ng ammonium nitrate at iba pang gamit sa paggawa ng pampasabog. 

Nadiskubre ang lugar dahil na rin sa natanggap na impormasyon mula sa isang residente doon. 

Sa dami ng mga nakuhang kemikal, maari itong makagawa ng mahigit 60 na anti-personnel mines. 

Pinaniniwalaang pagmamay-ari ang mga ito ng sub-regional sentro de grabedad, sub-regional committee 3 sa North Central Mindanao Regional Committee ng NPA. 

Ipinagbabawal at isang malaking paglabag sa international law ang paggamit ng anti-personnel mine.

Inaalam na ngayon ng mga sundalo kung saan kumukuha ng suplay sa paggawa ng pampasabog ang mga rebelde.