Asean Summit, virtual na rin; Pangulong Duterte makikilahok

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 07:20 PM | Updated as of Jun 26 2020 01:46 PM

Dahil sa COVID-19, hindi na bibiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga miyembro ng gabinete para dumalo sa 36th ASEAN Summit kung saan ang bansang Vietnam ang host. 

Wala rin mangyayaring family photo ng mga ASEAN leader na suot ang national costume ng host na bansa na highllight ng makasaysayang pagpupulong.

“Cohesive and Responsive ASEAN” ang tema ng Summit at sesentro ang usapin sa transition ng ASEAN region sa “new normal” at post-pandemic recovery. 

Inaasahan rin na paguusapan ang ilang international at regional issues kabilang ang maritime security developments. 

Sabi ni Presidential Assistant on Foreign Affairs and Chief of Presidential Protocol Robert Borje, kasama dito ang South China Sea issue kung saan inaasahang isusulong ni Pangulong Duterte ang interes ng bansa.

Samantala, isang special session naman na “Women Empowerment in the Digital Age” ang idaraos din bukas bilang pagkilala sa ika-25 na anibersaryo ng Beijing Declaration and Platform for Action na patungkol sa karapatan ng mga kababaihan at gender equality. 

Inaasahang sasamahan si Pang. Duterte ng ilang miyembro ng gabinete, kabilang na ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry at Department of Social Welfare and Development. 

“Importante din po na malaman ng mga tao si Pangulo, foremost sa kanyang isip ay iadvance ang interest, national interest ng mga Pilipino sa ASEAN. Kasama po dito ang manggagayang cooperation between ASEAN countries and ASEAN dialogue partners para manumbalik sa new normal at mag-improve ang ating economy regionally," ani Borje.

Sabi ng Malacanang, inaasahang 10 dokumento ang ia-adopt patungkol sa kooperasyon ng ASEAN countries sa iba’t ibang larangan gaya ng food security, supply chain connectivity, countering radicalization, violent extremism, human resource development at iba pa. 

Taong 2017 ng i-host ng Pilipinas ang ASEAN. Ang Thailand naman ang huling naghost bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic.