59 anyos na lalaki patay sa pananaga sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 08:12 PM

TANJAY CITY, Negros Oriental - Patay ang isang 59 anyos na lalaki matapos pagtatagain Miyerkoles ng hapon dito sa siyudad.

Ayon sa pulisya, pinuntahan ng biktimang si Felipe Guarin ang 64 anyos na suspek sa pinagtatrabahuhan nito.

May dala umanong itak si Guarin nang puntahan ang suspek sa Barangay Isidro sa siyudad. Agad umanong tinaga ni Guarin ang suspek pero nakailag ito at naagaw ang itak.

Pinagtataga umano ng suspek si Guarin gamit ang itak na dala nito.

Ayon sa pulisya, patay na si Guarin nang dumating sa ospital.

Patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad ang suspek. Inaalam pa rin ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.