2 Chinese na nagbebenta umano ng mga ilegal na gamot huli sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 05:32 PM

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 2 Chinese national na umano ay nagbebenta ng ilegal na gamot, na iniimbak sa isang bodega sa Parañaque City.

Sinalakay ng mga tauhan ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ang warehouse matapos umanong makabili ng mga gamot galing China ang isang agent nilang nagpanggap na buyer.

Ayon kay Jonathan Galicia, hepe ng NBI-TFAID, ikinasa nila ang operasyon matapos makatanggap ng report ukol sa online na bentahan ng sinasabing gamot para sa coronavirus disease.

Hinuli ang mga Chinese national na nagmamay-ari umano sa negosyo at ang taga-benta ng gamot.

Ayon sa isang testigo, ang 2 suspek ang nagse-set up ng mga underground clinic para sa COVID-testing ng mga kapuwa Chinese national.

Aabot sa 400 kahon ng gamot ang nakumpiska sa operasyon, na tinatayang nasa milyon ang halaga.

Ito na ang ikatlong warehouse ng mga gamot galing China ang ni-raid ng NBI mula nang magsimula ang lockdown.

Sinampahan pa ng patong-patong na kaso ang mga suspek.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa Bureau of Immigration para malaman kung legal bang nakapasok sa bansa ang mga suspek.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.