11 menor de edad nasagip mula sa 2 umanong bugaw sa Taguig City

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 08:20 PM | Updated as of Jun 28 2020 10:27 PM

Nasa edad 14 hanggang 17 ang mga biktima na umano’y ibinubugaw online. Retrato mula kay Maan Macapagal, ABS-CBN News 

MAYNILA —Nasagip ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang 11 menor de edad sa kamay ng 2 umanong bugaw sa Lower Bicutan at Maharlika Village sa Taguig City. 

Sa isang maliit at mainit na kuwarto nagsisiksikan ang may 11 babae at lalaking menor de edad nang matagpuan ng Luzon field unit ng PNP-WCPC.

Nasa edad 14 hanggang 17 ang mga biktima na umano’y ibinubugaw online.

Arestado ang mga suspek na huli sa aktong pakikipagtransaksiyon online sa mga pulis na nagpanggap na kostumer.

"Yung dalawang bugaw naman na ito, si Chichay at Jessie, nag-rent sila ng isang bahay, dun nila hinouse... hanggang nag-proceed sila sa kanilang negosyo na pagbubugaw," ayon kay Police Col. Samuel Mina Jr., hepe ng PNP-WCPC Luzon field unit. 

Watch more in iWantTFC

Aminado and biktimang si alyas "Anna" na napariwara siya nang maglayas sa bahay nila.

"Kasi po naglayas po ako dati, tapos po wala po ako matuluyan, kaya nagpatulong po ako sa kaibigan ko, dun ko po sila nakilala," aniya.

"Nung una, akala namin sasama lang kami. Tapos hindi namin alam na dun 'yung punta namin sa kaniya, na ibinebenta na pala kami." ani alyas "Gina," isa pang biktima. 

Ang masaklap, barya lang ang natatanggap ng mga biktima mula sa nagbugaw sa kanila.

"P1,500 lang daw yung binibigay ng suspect sa kanila samantalang sa transaction nila sa amin it ranges from P3,000 to P5,000," sabi ni Mina.

Ayon sa mga awtoridad, natigil ang kalakaran ng 2 bugaw sa kasagsagan ng lockdown pero balik operasyon agad nitong mag-general community quarantine. 

Tinutunton na ng Department of Social Welfare and Development ang mga pamilya ng mga biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng mga patong-patong na kaso.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.