10 bumalik sa Negros Occidental, nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 09:44 PM | Updated as of Jun 26 2020 12:59 AM

Sampung bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa Negros Occidental.

Base sa bulletin na ipinalabas ng Department of Health Western Visayas Huwebes ng hapon, mga residenteng kababalik pa lamang sa probinsiya ang mga nagpositibo sa COVID-19.

Lahat sila ay kasalukuyang nasa quarantine facility.

Dalawa sa 10 ang taga-Cadiz City, dalawa rin ang taga-Victorias City. May tig-iisang kaso naman mula sa mga bayan ng Escalante City, San Enrique, Hinigaran, Himamaylan at Hinobaan.

Ayon sa DOH, ang isang COVID-19 patient ang mula sa bayan ng Isabela pero ang Bacolod City ang disease reporting unit o ang nagrequest ng swab test.

Sa kabuuan, nasa 78 na ang naitalang COVID-19 cases sa Negros Occidental.

Sinabi naman ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson na magiging istrikto ang pagpapatupad ng quarantine protocols sa nmga nagsisiuwiang stranded mga residente, lalo na't karamihan sa mga nagpositibo ay mga stranded.

Bukod sa pansamantalang paghihinto ng pagtanggap ng mga stranded mula Cebu, pinapasiguro rin ng Provincial Incident Management Team na hindi makakalabas sa mga quarantine facilities ang mga stranded hangga't hindi nakakarating ang resulta ng kanilang test na negatibo sila sa virus.

Mas pinaigting din ang pagbantay sa mga naka-isolate na mga COVID-19 positive para maiwasan nang makahawa sila.

Dagdag pa ni Lacson, dapat mas dobleng mag-ingat ang mga mamamayan dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 ng probinsya.

Muling nanawagan si Lacson na iwasan na ng mga senior citizens at ng mga menor de edad na lumabas ng bahay.

Dapat ding hindi kalimutan ang pagsuot ng mask sa pampublikong lugar at panatilihin ang pagsunod sa physical distancing.

"We are even being challenged now because many of these returning Negrenses are turning out positive so definitely we are not winning but what's important is that we have managed to contain them and we are just finding ways on how to contain them well," ani Lacson.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.