Umano'y siga sa QC na nanaksak ng aso, huli dahil sa ilegal na baril

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 05:09 PM | Updated as of Jun 25 2019 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki sa Barangay Tatalon matapos umano itong makuhanan ng mga ilegal na baril at bala.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay noong Huwebes ng mga tauhan ng QCPD Station 11 ang bahay ng suspek na si Christian Leonor, kung saan narekober ang baril at bala.

Sinimulang tutukan ng mga pulis ang galaw ni Leonor matapos siyang makuhanan ng closed-circuit television (CCTV) footage noong Mayo na nanaksak ng aso na noo'y nasa gilid lamang ng kalsada.

Mismong mga tauhan ng Barangay Tatalon ang nagsabing may pagkamarahas si Leonor, ani Police Lt. Col. Carlito Mantala, hepe ng QCPD Station 11.

Sa panayam kay Leonor, sinabi niyang ipinatago lang sa kaniya ng kaibigan ang baril.

Ukol naman sa pagsaksak sa aso, sinabi ni Leonor na lasing siya noong mga panahong iyon at inakalang kakagatin siya ng aso.

Dati nang nakulong si Leonor dahil sa mga kasong robbery, attempted homicide, at paggamit ng ilegal na droga.

Hinimok ng QCPD Station 11 ang iba pang nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan para magsampa ng kaso.

Kinasuhan ang suspek ng illegal possession of firearms.--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.