SAPUL SA CCTV: Holdaper at biktima naghabulan, nagpambuno sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sugatan ang isang babaeng sales agent matapos makipag-agawan sa holdaper na humablot ng kaniyang cellphone sa Sampaloc, Maynila nitong Martes.

Sa CCTV ng lugar bandang alas-4 ng madaling araw Martes, kita ang biktimang si alyas "Alyssa" na may kausap sa cellphone habang bumubuhos ang ulan. 

Pumapara ito ng taxi para sana makaabot sa kaniyang flight pa-Davao pero nabigo siyang makahanap ng masasakyan.

Maya-maya pa, may dumating na isang tricycle at bumaba ang pasahero nito para lumapit kay Alyssa. 

Dahil sa takot ay napatakbo si Alyssa pero naabutan siya ng lalaki.

Doon na sila nagpambuno at pilit kinukuha ng suspek ang kaniyang hawak na cellphone.

Sa puntong iyon, mabilisang sinaksak sa may kamay ang biktima.

Dahil sa patuloy na pagsigaw ni Alyssa habang nakikipagbuno sa holdaper, narinig ito ng isang caretaker ng malapit na gusali na humawak ng isang karatula para ihataw sa salarin.

Doon na tumakbo ang salarin patungo sa Laong Laan Street.

Napaiyak na lang ang babae at nagpasalamat na nabuhay pa siya matapos ang insidente.

Nagtamo si Alyssa ng mga sugat sa katawan at kamay.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang may-ari ng tricycle para matunton ang dalawang magkasabwat. 

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.