Robredo, hindi na pinatulan si Locsin sa pagtawag sa kaniya ng 'boba'

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 05:24 PM | Updated as of Jun 25 2019 06:09 PM

NAGA CITY - Hindi na pinatulan ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Martes ang tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., kung saan tinawag siya nitong "boba."

Ayon sa Bise Presidente, hindi niya pinapatulan ang mga "usapang bastusan" dati pa man.

"Sakin, di naman ako nababawasan nun. Alam ng tao kung ano yung tama at yung mali, kaya hindi ko na yun papatulan," ani Robredo.

Nalaman lamang ng Bise Presidente umano ang nasabing tweet ni Locsin mula sa mga tawag at mensahe ng mga kakilala at kaibigan nito na nakakita ng post ni Locsin.

Pinuna ni Locsin si Robredo nitong Lunes dahil sa pagkukwestiyon ng Bise Presidente kung naaayon sa batas ang pagkansela ng gobyerno ng mga diplomatic passports ng mga dating diplomat.

Humingi naman ng tawad kay Robredo ang DFA secretary kalahating oras pagkatapos ng kaniyang kontrobersiyal na tweet.

Hindi naman dinamdam ng Bise Presidente ang pang-iinsulto ni Locsin.

"Sakin naman wala naman 'yun. Sakin hindi 'yun personal. Yung tao yung manghuhusga. Yung sakin lang sana kung ano yung obligasiyon, gawin. Kung ano yung responsibilidad, gawin. Kung ano yung nasa batas sundin," ani Robredo. - Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.