Pagpapatupad sa batas para sa kaligtasan ng mga trabahador paiigtingin

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hihigpitan pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng occupational safety and health standards sa lahat ng industriya at establisimyento kasunod ng nangyari sa aktor na si Eddie Garcia.

"[The Department of Budget and Management] has agreed to give us additional 500 labor law compliance officers," ani Labor Secretary Silvestre Bello.

Pumanaw noong Huwebes si Garcia sa edad na 90 matapos ang halos 2 linggong nasa kritikal na kondisyon.

Nagtamo ang aktor ng severe cervical fracture matapos aksidenteng matisod sa gitna ng isang shooting sa Maynila.

May ilang nakikitang paglabag si Noel Binag, executive director ng Occupational Safety and Health Center (OSHC), kaugnay sa aksidente sa shooting na kinasangkutan ni Garcia.

"Na-observe natin through the video na obviously, there was no first aider involved in the incident," ani Binag.

"Wala silang medical supplies and medical equipment like stretchers kasi nakita natin binuhat siya, bare hand," dagdag niya.

Isang fact-finding committee ang binuo ng OSHC para busisiin ang insidente.

Isang resolusyon naman ang ihahain ng grupong Trade Union Congress of the Philippines para imbestigahan ng Kamara ang insidente.

Taong 2018 nang isabatas ang Republic Act No. 11058 o Occupational Safety and Health Standards Law.

Sa ilalim ng batas, obligado ang mga employer na ipatupad ang occupational safety and health (OSH) standards para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Bagaman 1978 pa nabuo ang OSH standards sa bansa, kinailangan lagyan ito ng ngipin.

"For every non-compliance of every rule, you can be penalized," ani Binag.

Sa ilalim ng OSH standards, bawat kompanya ay bubuo ng OSH program at komite na kinabibilangan ng mga doktor, nurse, first aiders at safety officer.

Isang full-time safety man o officer din ang kailangan kada 1,000 manggagawa.

Dapat ding tiyaking hindi takaw-disgrasya ang lugar na pagtatrabahuhan at sakop nito kahit mga lugar sa labas ng opisina. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.