NAIA balik operasyon matapos ibaba ang lightning alert sa yellow level

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 09:30 PM

MAYNILA - Bumalik na sa normal na operasyon sa Ninoy Aquino International Airport nitong Martes ng gabi matapos ibaba ang lebel ng lightning alert ng PAGASA.

Ibinaba sa yellow lightning alert alas-7:28 ng gabi mula sa red lightning alert alas-6:53 ng gabi.

Dahil dito, balik operasyon na ang ramp movement ng aircraft at ground personnel sa NAIA matapos masuspinde ng mahigit 30 minuto.

Nauna nang sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na posibleng magdulot ng delay sa mga flight kung magtatagal ang red lightning alert.

Humingi naman ng pag-unawa sa publiko ang MIAA sa tuwing kakailanganing suspendihin ang operasyon sa airport dahil sa pagkidlat para sa kaligtasan ng mga empleyado at mga pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.