Mga empleyado ng GenSan City Hall, apektado sa pagsasara ng Kapa Ministry

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 08:26 PM | Updated as of Jun 26 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

GENERAL SANTOS CITY - Aabot sa 95 porsiyento sa mahigit 3,000 empleyado ng city hall dito ang apektado sa pagsasara ng Kapa Community Ministry International.

Ayon kay Mayor Ronnel Rivera, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ang posibleng epekto ng shutdown ng Kapa Ministry sa mga empleyado nila na nag-invest dito.

"We are planning to create an office or help desk para tulungan 'yong ating mga kababayan na maibalik man lang 'yong kanilang investment, kahit 'yong kapital lang nila. 'Yon yong pinaka-target natin," pahayag ni Rivera ngayong Martes.

Dagdag pa ng alkalde, dalawa hanggang tatlong buwan pa umano ang hihintayin nila bago tuluyang matanggap ng mga miyembro ng Kapa Ministry na malabo nang bumalik ang operasyon ng grupo. 

Karamihan umano kasi sa mga miyembro nito ay umaasa pang maibabalik ang operasyon ng Kapa kasunod ng mga panawagan sa prayer rally ng mga miyembro. 

Bumuo na rin ang lokal na pamahalaan ng technical working group na tutulong sa counselling ng mga empleyado.

"Nasa denial stage pa 'yong iba ano, they are hoping na babalik pa, babalik pa 'yong establishment, 'yong ministry. We are expecting na in the next two to three months, medyo mabigat na ito kasi 'pag mawala nang hope ang mga kababayan natin na maibalik pa. Then I think the complaints will come in," dagdag ni Rivera.

Maaalalang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Kapa Ministry dahil sangkot umano ito sa isang investment scam. Nitong buwan, ipina-freeze ng Securities and Exchange Commission ang nasa P100 milyon ng assets ng Kapa Ministry sa bisa ng utos ng Court of Appeals. 

Muli namang nagbabala ang lokal na pamahalaan sa mga residente ng lungsod na iwasang pumasok sa mga investment scheme na nag-aalok ng mas mataas na returns lalo na at may panibagong religious ministry na naman na nag-ooperate sa GenSan ang nilabasan ng advisory ng Securities and Exchange Commission.

"It's unbelievable 'yong mga returns na yan na 35, 45 percent. Mayroon pang 100, 120 percent, 300 to 400 percent. And it's too good to be true. Huwag na kayong pumasok diyan," ani Rivera.

Ang tinutukoy na religious ministry na nag-ooperate sa GenSan ay ang Munifecence Ministry na nag-aalok umano ng mas mataas na returns sa investment kada buwan na aabot sa 45 percent.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.