'Lutong Macao': Pinalulutang na 'joint investigation' sa West PH Sea 'hit-and-run' binatikos

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 08:47 PM | Updated as of Jun 25 2019 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Payag pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte na mangisda ang mga Chinese sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa kabila ng nangyari sa Recto Bank na ikinapahamak ng 22 mangingisdang Pinoy. 

"We will allow it, because we're friends naman, eh di magbigayan muna tayo. Parang ganun ang punto ng presidente," sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. 

Matatandaang binangga at pinalubog ng isang Chinese vessel ang F/B GEM-VER ilang linggo na ang nakakaraan, dahilan para malagay sa peligro ang buhay ng 22 mangingisda na kalauna'y sinagip ng mga Vietnamese. 

Pero nitong Martes, sumugod sa embahada ng China sa Makati City ang mga militanteng grupo para iprotesta ang malamya umanong tindig ng pamahalaan sa ginawa ng China.

Partikular nilang tinututulan ang lumulutang na joint investigation sa nangyaring pagpapalubog sa bangka. 

Si Sen. Leila de Lima, sinabing pinagtatakpan ni Duterte ang China. 

"After the Duterte administration’s orchestrated response to downplay the incident and to silence the crew of FB Gem-Ver1, this joint investigation is simply the logical step to a whitewash," ani De Lima, isang kritiko ni Duterte. 

"Mutually recognized results supposed to be arrived at in the joint probe means a 'lutong macao' to be cooked up by both the Duterte administration and China," dagdag ni De Lima, na kasalukuyang nakapiit dahil sa mga kaso sa droga.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala rin si dating Ambassador to US Jose Cuisia, Jr. laban sa isang joint investigation kasama ang China. 

"They will just bully us. Having seen the kind of behavior of some of the cabinet, it just shows me this administration is very cautious. They don't want to offend China... Why would we allow it in the first place?"

Tingin naman ni dating Ambassador to ASEAN Wilfrido Villacorta, hindi pabor sa Pilipinas ang isang joint investigation kasama ang China.
    
"The way is for the Philippines to conduct its own investigation. We are the victims. And we don't have to involve China," aniya. 

Kung magkaroon man ng joint investigation, tingin ni International Studies professor Rommel Banlaoi na dapat itong dumaan sa isang independent body gaya ng International Maritime Organization.

"Kung ano man ang makita ng dalawang bansa na ito, dapat pa rin silang i-evaluate ng independent body para maging credible at maging truthful ang magiging result." —Ulat nina Willard Cheng at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.