Lalaking naligo sa sapa, natagpuang patay sa baybayin sa Iligan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 02:39 PM

ILIGAN CITY - Natagpuan ng mga mangingisda sa baybayin ng Barangay Fuentes-Maria Cristina ang bangkay ng isang lalaki na nagpalutang lutang nitong umaga ng Martes. 

Kinilala ang biktima bilang si Eddie Demicillo. Malalim ang sugat nito sa noo at walang damit pang-itaas.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, naligo sina Demicillo at mga kaanak noong Lunes sa isang sapa sa Tagoloan, Lanao del Norte. 

Naglambitin pa umano ito sa baging at saka tumalon sa tubig, pero hindi na ito umahon pagkatapos. 

“Nagkataon na lumakas ang ragasa ng tubig kasi malakas ang ulan kahapon,” sabi ng nanay-nayan ng biktima na si Erlinda Hersaga.

Magdamag itong hinanap ng mga kaanak hanggang iniulat ng mga mangingisda sa 102 maritime police ang natagpuang bangkay.

Paalala ni Maritime Police Senior Master Sargeant Randy Caballero sa mga maliligo, maging maingat at kung maaari ay iwasan nalang na maligo sa sapa o sa dagat lalo na kapag masama ang panahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.