Ilang lugar sa QC binaha

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 02:51 AM | Updated as of Jun 25 2019 03:59 AM

MAYNILA (UPDATED)—Binaha ang ilang lugar sa Quezon City Martes ng madaling-araw dahil sa malakas na ulan dulot ng low-pressure area.

Sa Barangay Roxas District, abot-tuhod na ang baha habang hindi na rin madaanan ng mga sasakyan ang isang tulay.

Ilan sa mga residente, puspusan ang pagbubuhat ng mga motorsiklo upang hindi malubog sa baha. May isang sasakyan naman ang nalubog sa baha.

Ayon kay Edna Vinuya, residente sa lugar, mas mabilis ang pag-apaw ng tubig ngayon kompara noong nakaraang taon.

Dagdag ni Vinuya, ganito ang kanilang sitwasyon kada taon pero wala silang malilipatan kaya tinitiis nalang nila ito.

Panawagan ng mga residente ay mabigyan sila ng relief goods.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.