Dating preso, kinakasamang buntis timbog sa droga sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 03:49 PM | Updated as of Jun 25 2019 07:21 PM

Naaresto ang isang dating preso at kaniyang kinakasamang buntis dahil sa umano ay pagtutulak ng ilegal na droga sa San Pablo City, Laguna.

Sa hudyat ng police asset, pinasok ng mga tauhan ng San Pablo City Police Drug Enforcement Unit ang isang apartment sa Barangay San Lucas I.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa apartment dinampot ang umano ay tulak na si Arthur Lobriguito, alyas "Toro," at ang kaniyang kinakasamang si Maria Lawrence Desire Salut, na 1 buwang buntis.

Nang kapkapan, nakuha pa kay Lobriguito ang isang kalibre .38 na baril na walang lisensiya.

Nakulong noong Oktubre 2014 si Lobriguito dahil din sa pagbebenta ng droga pero nakalaya noong Nobyembre 2018 dahil sa plea bargaining agreement.

Bago ang pag-aresto, nakuhanan pa ng video ang suspek habang nagbebenta ng shabu sa police asset.

Parehong nasa drugs watch list ng San Pablo police ang mag-live-in partner.

Kinasuhan ang 2 ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang may dagdag na kaso si Lobriguito na illegal possession of firearms.--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.