'370,000 kabahayan makikinabang sa flood control projects ng gobyerno'

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 10:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Aabot sa 370,000 kabahayan ang makikinabang sa nakaambang flood control projects ng gobyerno, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Ayon sa MMDA, aabot sa P350 bilyon ang pondo para sa higit 11 flood control projects na nakalinya hanggang 2023. 

Ayon sa MMDA, magdadagdag sila at magkukumpuni ng mga water pumping station. 

Kabilang umano sa dadagdagan ng pumping station ay ang Quezon City kung saan dalawa lang ang nakatalaga. 

"We have to admit ang Metro Manila ay napakababa na ng sea level, babahain at babahain po tayo. Kaya po kami sa MMDA, hindi po kami nangangakong walang baha. Ang challenge sa amin ay mabilis ang pagpapahupa ng baha,” ani Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA. 

Bukod pa rito, kukumpunihin ang 36 sa higit 60 sa mga water pumping stations sa Kamaynilaan, na parte umano ng "Build Build Build" program ng gobyerno. 

Nasira umano ito sa dami ng basura na iniimbak sa mga ilog. 

Ayon sa MMDA, aabot sa 10 trak ng basura ang nahahakot nila kada araw sa ilang ilog kada araw at dumodoble pa raw ito tuwing tag-ulan. 

Pero kaakibat nito, nanawagan din ang mga opisyal sa mga residente na ayusin ang pagtatapon ng basura dahil balewala umano ang flood control projects kung wala pa ring disiplina. 

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.