Trak bumangga sa concrete barrier sa Malabon, 2 sugatan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 08:41 AM

MAYNILA - Sugatan ang drayber ng isang trak na sumalpok sa concrete barrier sa northbound lane ng McArthur highway sa Malabon, Lunes ng umaga.

Sugatan din ang isang buntis na nakaangkas sa motorsiklo na nabangga ng nasabing trak na may kargang alak. Agad isinugod ang buntis sa ospital.

Sa lakas ng pagkakabangga ng trak sa concrete barrier, nayupi ang harapan nito. Nabuksan pa ang karo at muntik pang mahulog ang kaha-kahang beer na laman nito.

Napatalsik din ng trak ang concrete barrier papunta sa kabilang lane. Nagdulot ito ng pagbigat ng trapiko sa Monumento hanggang Valenzuela.

Inaalam pa ang sanhi ng aksidente pero ayon sa ilang testigo, tila iniwasan ng trak ang motor kaya nabangga ito sa concrete barrier. Posibleng mabilis din umano ang takbo ng trak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.