Menor de edad nahulihan ng malaking halaga ng droga

Paul Palacio,ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 06:29 PM | Updated as of Jun 25 2018 08:18 PM

DAVAO CITY - Dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, ang inaresto matapos makuhanan ng malaking halaga ng ilegal na droga Linggo ng madaling araw.

Inamin ni alyas "Ibrahim" na pangalawang beses na siyang nakapag-deliver ng shabu at anim na libong piso ang kanyang natatanggap na komisyon.

Ngunit nitong Linggo, natiyempuhan siya ng isinagawang Oplan Kapkap Bakal sa lungsod.

Nahuli si alyas Ibrahim at kasama nitong si Nicole Alsate Legisan, 19-anyos, habang sakay sa tricycle na pinara ng mga pulis dahil lang sa simpleng traffic violation na beating the red light.

Nang kapkapan sila ng mga pulis, nakunan si Ibrahim ng isang malaking sachet at 32 na maliliit na sachet ng hinihinalang shabu. Nakuhanan rin si Legisan ng 2 maliit na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang P79,000.

Ayon sa pulisya,nakulong na rin ang ibang kaanak ng dalawang naaresto dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Naisampa na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Legisan habang isasailalim naman sa discernment process ang menor de edad na si Ibrahim kung masasampahan ba ito ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.