Lalaki nagpapanggap na heneral ng PNP para makapangikil

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 08:51 PM

CALAMBA CITY - Isang lalaking nagpapanggap na pulis ang nakuhanan umano ng baril, mga pekeng ID at uniform sa General Mariano Alvarez, Cavite Linggo.

Ayon sa pulisya, ginagamit ni Aniceto Basa ang uniporme at ID para makapangikil ng pera.

May calling card pa si Basa kung saan two-star general ang kanyang ginagamit na ranggo.

"Yun 'yung ginagawa niyang modus parang nagpapakilala siyang general member ng PNP tapos 'yun na humihingi siya ng pera dun sa complainant niya. 'Yun 'yung naging basis natin na apply-an siya ng search warrant," ani Police Supt. Aladdin Dingal, deputy regional chief ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) CALABARZON.

Nasa kustodiya na ng CIDG si Basa na nahaharap sa mga kasong usurpation of authority at illegal possession of firearms.

Pinayuhan naman ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa mga ganitong uri ng panloloko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.