Estudyante sugatan matapos sumalpok ang motorsiklo sa taxi

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 10:19 AM

DAVAO CITY- Nagtamo ng sugat sa ulo ang isang estudyante matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang taxi dito noong Linggo ng gabi.

Nasira ang harapan ng motorsiklo ng 22-anyos na si Beniel David Gunasekaran habang nayupi naman ang kanang bahagi ng taxi matapos magbanggaan sa kanto ng Arellano Street at Tavera Street.

Mabilis daw ang takbo ng motorsiklo, ayon sa pasahero ng taxi na si Arsad Utto.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na posible ngang matulin ang takbo ng motorsiklo at hindi nakontrol ni Gunasekaran ang manibela kaya bumangga ito sa taxi.

Wala namang naipakitang international driver's license si Gunasekaran kaya posibleng maharap siya sa kasong driving without a license.

Paalala naman ng mga awtoridad na maging maingat sa pagmamaneho lalo na sa mga intersection upang maiwasan ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.