Dalagita kinarate ang umatakeng tricycle driver

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 09:41 AM | Updated as of Jun 25 2018 09:11 PM

MAYNILA - Kalaboso ang isang tricycle driver na umano'y nanakit sa 11 anyos na babae niyang pasahero nitong nakaraang Biyernes sa Makati City.

Kuwento ng biktimang si Joan, hindi niya tunay na pangalan, papasok siya ng eskuwela sa araw na iyon nang masakyan ang tricycle ni Raul Gavino.

Pero sa halip na dumiretso, tumigil ito sa isang kalye sa Barangay Pembo, bumaba at nanigarilyo. Maya-maya nagtangka na itong pumasok sa trike at pinagsusuntok ang dalagita.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bahagyang nahagip ng CCTV camera sa lugar ang insidente at doon nakita si Joan na nakatadyak pabalik sa suspek bago nakatakbo palayo.

Ayon sa lola ng biktima, hindi na nakapasok noong araw na iyon si Joan. Limang suntok daw ang tinamo nito mula sa drayber kaya siya nagkaroon ng mga gasgas.

Buti aniya nagamit ng kanyang apo ang mga natutuhan niya sa karate class ng kanilang kapitbahay nitong bakasyon kaya nadepensahan niya ang kanyang sarili.

"Mahinhin 'yan, mahiyain. 'Yan lang siguro sa takot, napilitan na lang [lumaban]. Buo ang loob niyang lumaban," kuwento ng lola.

Samantala, nakilala naman ng mga opisyal ng barangay at pulis ang suspek sa CCTV footage kaya naaresto din agad ito.

"Ang kuwento niya sa atin is naka-take ng drugs prior to the incident. Gising siya hanggang alas-5:00 ng umaga. Di nag-subside at nag-drive na siya. Sabi niya ang tingin niya sa sumakay na babae ay kalabang mortal kaya lumapit at pinagsusuntok," ani Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang tricycle driver. Kinasuhan na siya ng physical abuse sa ilalim ng women and children's protection act, at ng grave coercion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.