Canadian patay sa pamamaril sa Batangas

Kevin Dinglasan at Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 09:55 PM | Updated as of Jun 26 2018 05:40 PM

BATANGAS CITY (UPDATE) - Patay ang isang Canadian nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa harap ng kaniyang bahay sa Barangay Tingga Itaas sa Batangas City nitong Linggo ng gabi.

Bakas pa ang dugo sa harapan ng bahay ni Barry Gamon kung saan siya pinagbabaril.

Nadala ng mga rumespondeng tanod ang biktima sa ospital pero namatay rin habang ginagamot.

Nadaplisan rin umano ng bala sa kanang binti si Luzviminda Gamon, ang asawa ng biktima.

Ayon kay Luzviminda, may sinaway lang daw na motorsiklo ang kaniyang asawa na dumaan sa harap ng kanilang bahay na isang private road. Nang hindi ito umalis, muli raw binuksan ni Barry ang gate at saka ito pinagbabaril ng mga salarin.

"Dahil pinagbabawalan naming dumaan 'yung mga sasakyan kasi masyadong nakakaabala. 'Yung motorbikes hindi siya umaalis, andun pa rin. Ay kami'y pabalik na ulit tapos ang ginawa ng asawa ko bumalik sa gate namin nung buksan. Dun na, nilusot ng lalaki 'yung kamay niya at nag-shot na siya," aniya.

Ang pagsaway rin umano ng pamilya Gamon sa mga dumaraang sasakyan sa private road na kanilang pagmamay-ari ang nakikita nilang dahilan sa pagpaslang kay Barry.

"Ang alam ko, marami na ang sumama ang loob sa amin, dahil nga sa pagbabawal namin na pumasok ang sasakyan doon sa loob namin. Kasi malaking abala naman po eh," ani Luzviminda.

Ayon sa pulisya, lulan ng motorsiklo ang dalawang salarin na agad tumakas matapos ang pamamaslang.

"Nagpababa na ako kagabi pa ng isang team ng intelligence natin para manaliksik at imbestigahan at i-follow up ang anumang lead at saka kung anong motibo," ani Senior Supt. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas police.

Mayroon na umanong sinusundang lead ang pulisya sa insidente ngunit tumanggi muna silang ilantad ito.

"Nag-create kami agad ng Special Investigation Task Force Group Gamon. Nag-meeting kanina ang ating PPO (Police Provincial Office) kasama ang CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) at HPG (Highway Patrol Group) at hepe ng Batangas City," ani Quilates.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente para sa agarang pagresolba sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.