Lalaking bumibili ng burger patay sa 'riding-in-tandem' sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2017 08:53 AM

Dead on the spot ang biktimang si Danilo Melchor nang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong suspek sa Quezon City. Michael Delizo, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay sa pamamaril ng "riding-in-tandem" ang isang lalaki sa may Kagawad Road, Batasan Hills, Quezon City.

Sinasabing bumibili lang ng makakain ang biktima na si Danilo Melchor, 53, nang barilin ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo bandang hatinggabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at leeg si Melchor na ayon sa imbestigasyon ay nakantiyawan lang palang bumili ng burger ng kanyang pamilya.

Aabot sa 11 basyo ng bala ang naiwan sa crime scene. Kahit madilim sa lugar, matao nang mangyari ang krimen.

Kuwento ng misis ng biktima, bago ang insidente ay sinabi ni Melchor na may mga lalaking sumusunod sa kanya.

Aminado ang asawa ng biktima na dating gumagamit ng droga ang kanyang mister, pero matagal na raw itong tumigil at sumuko na rin sa Oplan Tokhang. -- Ulat mula kina Angel Movido at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.