Exclusive: Pulis, ginulpi ang lalaking umihi sa motor niya

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2017 05:29 PM | Updated as of Jun 25 2017 11:32 PM

Gulpi ang inabot ng 57-anyos na si Ernesto Alimangohan sa kamay ng isang pulis-Navotas nitong Biyernes, Hunyo 23.

Nakunan pa sa CCTV ng Barangay 159, Zone 14 sa Tondo, Maynila na umiinom ang isang pulis-Navotas kasama ang mga kaibigan. Ilang saglit pa, pumunta ang pulis sa gilid ng kalye kung nasaan ang biktima at binuhat ang matanda papunta sa kabilang gilid ng kalye.

Nakunan sa CCTV nang buhatin ng isang pulis-Navotas ang umano'y ginulping biktima.

Hindi na nakunan ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari pero ayon kay Alimangohan, doon na siya pinagsusuntok ng pulis.

Nagpatuloy sa inuman ang pulis matapos ang panggugulpi.

Ayon kay Alimangohan, maaaring ikinagalit ng pulis ang pag-ihi niya sa nakaparadang motorsiklo ng pulis. Pero sana raw, hindi na nauwi sa pambubugbog ang kaniyang nagawa.

Nagtamo ng mga pasa sa likuran ang lalaking ginulpi umano ng isang pulis-Navotas

Minabuti naman ng biktima na lumapit sa pulis para sana humingi ng tawad pero lalo lang daw nagalit ang pulis at binato pa si Alimangohan ng yelo at saka muling sinapak.

Nakunan sa CCTV ang pagsapak ng isang pulis-Navotas sa isang lalaki.

Tinukoy ng ilang residente kung sino ang nambugbog na pulis. Hiningan ng komento tungkol sa insidente ang Navotas Police pero hindi raw muna sila magbibigay ng pahayag hangga’t wala pang pormal na reklamong naisasampa.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na sampahan ng reklamo ang nambugbog na pulis.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.