PatrolPH

Mga stranded na Muslim pilgrim humihingi ng tulong kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2022 08:25 AM

MAYNILA—Umaapela ng tulong ang mga Muslim pilgrims na galing pa sa iba’t ibang lugar sa Mindanao na stranded ngayon sa Metro Manila para mabigyan ng special flight papuntang Saudi Arabia.

Nitong Huwebes nagpulong ang mga pilgrim sa isang hotel sa Quezon City kasama ang ilang opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos.

Ayon kay Commissioner Yusoph Mando ng National Commission on Muslim Filipinos, June 19 nang unang ma-delay ang mga pilgrim papuntang Saudi Arabia matapos na hindi dumating ang visa ng mga ito.

Pero agad naman itong naayos at nabigyan na ng visa ang nasa mahigit 3,000 pilgrims.

Tuloy-tuloy na ang biyahe ng ilang mga pilgrim at ayon kay Mando, nasa mahigit 2,000 na ang mga naka-alis.

Pero ang problema, nasa 1,000 pa ang mga natitirang pilgrim na walang masasakyang eroplano papuntang Saudi Arabia. Sa dami kasi nila, kailangan na umano ng special flight para ma-accommodate ang mga ito.

“In fact, very willing naman po ’yung Saudi Airlines na mag-provide ng special flights upang isakay ang itong mga na stranded na ito,” ani Mando.

Malaking bagay umano na may intervention ang Pangulo ng Pilipinas para mas mapadali ang kanilang request ng special flight.

“Magkakaroon sila ng appeal sa ating pamahalan kay Presidente upang mamagitan para magkaroon ng lakas ang request ng grupo na ito, ’yung Secretary, para mabigyan ng special flight, kasi hangga’t hindi special flight po, mahihirapan maisakay sa dami nila.”

Ayon pa kay Mando, dapat makarating sa Saudi Arabia ang mga pilgrim bago ang katapusan ng Hunyo.

Taunang tradisyon ng mga Muslim ang pagdalo sa Hajj o ang paglalakbay sa Mecca at Madinah sa Saudi Arabia bilang bahagi ng limang haligi ng paniniwalang Islam.

Pinag-iipunan ito ng mga Muslim para matustusan ang paglalakbay na nagkakahalaga ng nasa P300,000.

Dahil sa pandemya, dalawang taon ding hindi nakadalo ang mga Muslim sa Pilipinas sa Hajj.

Ngayon lang ito ibinalik kaya hindi maiwasan ng ilang pilgrim na manghinayang kung hindi matutuloy ang kanilang paglalakbay.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.