Vargas Compound sa QC isinailalim sa special concern lockdown

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 09:34 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Tuluyan nang nadagdagan ang bilang ng mga lugar na naisailalim sa special concern lockdown sa Quezon City.

Hatinggabi nang isailalim sa lockdown ang Vargas Compound sa Barangay Sangandaan kasunod ng pagtaas ng bilang ng coronavirus disease 2019 cases (COVID-19) sa barangay.
 
Sa 25 kaso ng COVID-19 sa naturang barangay, 18 sa mga ito ay residente ng Vargas Compound.
 
Mahigit 400 pamilya sa lugar ang apektado sa lockdown.

Sa ilalim ng lockdown hindi papayagang lumabas ang mga residente lalo na ang mga high-risk residents tulad ng mga senior citizens, persons with disability at mga buntis.

Bawal din pumasok sa lugar ang mga hindi residente.

May harang na rin sa Vargas Compound at binabantayan ito ng mga tauhan ng Philippine National Police at mga tauhan ng barangay.

Inaasahang tatagal hanggang Hulyo 8 ang nasabing lockdown habang magsasagawa rin ang awtoridad ng targeted mass testing ngayong Linggo.

Bukod sa Vargas Compound, nauna nang isinailalim sa special concern lockdown ang mga sumusunod na mga lugar:

- Calle 29 in Libis
- Kaingin Bukid sa Apolonio Samson
- 138 Ermin Garcia St. sa E Rodriguez
- 52 Imperial St. sa E. Rodriguez
- bahagi ng King Christian Street sa Bagbag

Samantala, anim na puganteng Chinese naman ang nahuli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa isang sapa sa Barangay Krus na Ligas sa Quezon City Martes ng gabi matapos na tumakas sa temporary custodial facility sa Camp Caringal noong Lunes.

Wala pang tugon ang CIDU sa kung ano bang kaso ang kinakaharap ng Chinese nationals at kung paano sila nakatakas sa custodial facility.