'Tutulo talaga luha mo': Jeepney drivers sa Sta. Rosa gusto nang makabiyahe muli

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 07:27 PM | Updated as of Jun 24 2020 07:46 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Gutom na rin ang inaabot ng mga tsuper ng jeep sa Sta. Rosa City, Laguna habang hindi pa pinapayagan ang kanilang pagpasada dahil sa pandemyang COVID-19. 

Sa loob nang 35 taon na pagiging jeepney drayber ni Domingo Belarmino sa Laguna, ngayon lang niya naranasang umiyak sa hirap ng buhay.
 
Iniisip niya kung papaano niya susuportahan ang 2 anak at 6 na apo gayung hindi pa sila pinapayagang pumasada.

"Sa isang araw, isang beses na lang kumain, lugaw pa, minsan talaga tutulo ang luha mo kasi makikita mo mga anak mo... Anong gagawin sa amin, mamamatay kaming ganito?" ani Belarmino.

Dahil sa hirap, kung anu-ano na ang naiisip niyang paraan para makakain lang.

"Kung maaari nga lang magnakaw ng saging kahit saging."

Ayon sa presidente ng samahan ng mga jeepney drivers sa Laguna, tinatayang nasa 500 tsuper ng jeep ang dumadaing ng gutom.

"Iyun namang ayuda sa'min eh wala pa rin hanggang sa ngayon na ipinangako ng LTFRB kaya talagang hirap na hirap na po talaga. Baka nga sa susunod na mga araw baka magaya na rin kami sa Manila baka mamalimos na rin 'yung mga jeepney drivers," ani Romy Bruno, presidente ng Calamba Transport Alliance. 

Nasa ilalim ng general community quarantine ang Laguna at tanging modernize jeep lamang ang pinapayagan.
 
Ayon sa LGU ng Sta. Rosa City, may mga naka-ready nang units ng modern jeep.
 
"May loan sila talaga, they are really trying to modernized their jeep, tutulungan ko sila mapalabas 'yung loan, may naka-reserve na silang units, hindi na kakayanin ng city na libre," ani Sta. Rosa City mayor Arlene Arcillas. 

Hindi naman tutol dito ang mga driver pero problema nila ay kung paaano makakakuha ng loan sa bangko para ipambili ng modern jeepney.

Pakiusap ng mga jeepney driver, sana payagan muna silang bumiyahe habang inaayos pa ang proseso ng kanilang jeepney modernization.

Sa ngayon, may 70 units ng lumang modelo ng jeep ang pinapayagang pumasada sa Sta. Rosa City. Binabayaran ito ng LGU na ginagamit bilang emergency transport vehicle.

Pero sabi ni Arcillas, hindi na nila kaya ang laki ng gastos kaya siya mismo ay nais na ring ibalik ang biyahe ng jeep.

"Actually nagre-request na rin ako ,susulat ako sa IATF kung puwde ibalik na rin with the corresponding health protocols," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.