Stranded na mga pasahero, balik-bangketa sa Pasay

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 08:46 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Siksikan ang ilang mga stranded na pasahero na dating mga overseas Filipino workers at mga nangangarap maging OFW sa gilid ng Andrews Avenue sa Pasay City, malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 Miyerkoles ng umaga.

Nagsisiksikan sila sa bangketa at maging sa waiting shed at sa center island ng kalsada.

Marami sa kanila ay panglimang araw nang sa kalsada nanunuluyan dahil nagbabaka-sakaling makauwi sa kanilang mga probinsiya.

Ang ilan ay may mga ticket na para makauwi tulad ni Jenny Lacira na taga Bohol. Nagpunta siya sa lugar noong Hunyo 21 dahil ayon sa ticket niya Hunyo 22 ay makakalipad na siya pero nakansela ang lipad niya. Nagparebook siya kaya lang Hulyo 3 pa ang nakuhang date ng lipad.

Meron din naman na wala talagang tiket ng eroplano at nagbabakasakali na matulungan na makauwi ng probinsya tulad ni Kim Ryza Adala na taga Zamboanga.

Kuwento ni Adala, tinawagan siya ng kasamahan niya sa agency na nauna nang nagpunta sa NAIA at sinabing magtungo na lang siya dito para matulungan siyang makauwi ng Zamboanga.

Hindi naman sila payag na pabalikin sa kung saan silang barangay nanggaling sa Metro Manila dahil sobrang layo anila nito at mahirap na makapagbiyahe. Si Adala ay galing ng Las Piñas habang si Lacara naman ay sa Quezon City pa nanggaling.

Hindi na rin umano sila makakabalik sa pansamantalang tirahan na inilaan ng kanilang agency dahil sinarado na umano ito.

Mahirap din ang sitwasyon ng mga stranded na pasahero sa lugar dahil maging ang paggamit ng banyo ay may bayad na P10 hanggang P20. Kailangan din magbayad para sa pagkain at wala na anila silang pera.

Sinubukan ng ilan na pumunta sa Villamor Airbase Elementary School at sa Philippine Army headquarters pero ayon sa kanila, hindi na sila pinapasok dahil puno na sa loob kaya balik-bangketa sila.

Umaapela sila na matulungan na mapauwi sa kanilang probinsya dahil sa hirap na sila sa Maynila at hirap na din ang kanilang pamilya sa probinsiya.