PatrolPH

'Sa jeep nakatira': Lolong tsuper na nanlilimos inilarawan ang buhay habang tigil-pasada

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 06:09 PM | Updated as of Jun 25 2020 12:22 AM

'Sa jeep nakatira': Lolong tsuper na nanlilimos inilarawan ang buhay habang tigil-pasada 1
Higit 5 dekada nang namamasada bilang jeepney driver si Alberto Manuel Jr, 76. Pero ngayong lockdown, napilitan siyang manlimos para lang mairaos ang tigil-pasada. ABS-CBN News

MAYNILA - Sa panahon ngayon, karaniwan nang nakikita ang mga tsuper ng jeep na may hawak na karatula at nanlilimos sa kalsada, ngayong natigil ang kanilang operasyon dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Kabilang dito si Alberto Manuel Jr, 76 anyos, na tuwing umaga ay makikita sa Avenida na nag-aabang ng magbibigay ng limos. 

Watch more on iWantTFC

Grade 6 ang kaniyang natapos at higit 5 dekada na siyang namamasada. 

Pero sa edad niya, giit niyang malakas pa raw siya. 

May anak si Manuel pero hiwalay nang namumuhay sa kaniya. 

Biyudo siya, kaya sa garahe na siya tumutuloy mula noong mag-lockdown. At dahil solo na rin siya sa buhay, sa jeep na rin siya naninirahan. 

Naglagay siya ng lutuan at pintuan sa kaniyang jeep, habang nakatengga ang kaniyang trabaho. 

“[Mayroon akong] super kalan, kaldero ah, yung lutuan ng pakuluan. Meron akong pintuan nandun sa taas ko nilagay. Yan ang pintuan ko. Yan po bahay ko,” ani Manuel. 

Nakakatawid naman umano sa araw-araw si Manuel. Pero iba rin aniya kapag may hanapbuhay at may hawak ding sariling pera mula sa sariling pawis. 

"Basta sa’min, kung magkano maging pera, eh kumita kami ng P300, P400, masaya na kami. May pambili kami... Mayroon kaming nahahawakan na pera kahit bente pesos. P20 may nahahawakan, kesa sa hindi kami nakakabyahe, kahit duling na isang pera, wala.

Gayunman, hinahanda na rin ni Manuel ang kaniyang sarili, sakali man na hindi na sila pabalikin sa kalsada. 

“Sa isip ko, basta ang isang tao... Eh, may isip ka naman, diskarte, pwede nang magtinda-tinda na lang ako, kung may magbigay sa kin ng pera na puhunan ko,” ani Manuel. 

Pero alam naman ni Manuel na walang magbibigay sa kaniya ng puhunan kaya sa panlilimos muna niya hahanapin ang panustos sa pangangailangan.  — Ulat ni Jorge Carino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.