Quarantine facility ng PNP sa Lucena City, pinasinayaan

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 03:49 PM

Isa sa mga kuwarto sa loob ng magkahiwalay na quarantine facility ng mga babae at lalaki sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena City. Handout

LUCENA CITY - Pinasinayaan ang quarantine facility na itinayo para sa uniformed at non-uniformed personnel ng Philippine National Police sa loob ng Camp Guillermo Nakar dito sa siyudad nitong Martes. 

Ang pasilidad ay kayang tumanggap ng 22 pasyente ng COVID-19 na walang sintomas. 

“Malaking advantage po ito kasi unang-una malaki ang matitipid ng ating personnel but we would only cater itong ating asymptomatic na walang signs talaga but hanggang sa ma-cleared sila sa COVID, they were given at least 2 weeks para ma-clear sa COVID,” pahayag ni Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., regional director ng Police Regional Office ng Calabarzon. 

Ang banta ng pagkahawa sa virus ang isa sa ikinakatakot ni Executive Master Sgt. Allan Ocampo, pinuno ng police non-commissioned officer section ng Lucena City Police Station. Bahagi ng kaniyang tungkulin ang humarap sa mga tao at malaki ang tiyansa na mahawa siya sa sakit na COVID-19. 

Dahil dito, mahigpit din niyang ipinapairal ang quarantine protocols at sinasabayan niya ng pagdarasal. 

“Sabi nga 'yung kalaban natin COVID-19, napakahirap dahil hindi mo kita ito, invisible. 'Yung mga nakakahalubilo natin ‘di natin alam baka mayroon na silang COVID. Siyempre iniisip ko rin lagi ang aking pamilya. 'Pag uuwi ako sa bahay hindi ako agad pumapasok sa loob ng bahay halos one hour ako sa labas ‘di ako nalapit, doon ako nagpapahinga,” sabi niya. 

Bukod sa pasilidad, nagbibigay din ng personal protective equipment ang pulisya para mabawasan ang tiyansa na may mahawa sa kanilang hanay. 

Sa loob ng pasilidad ay may swabbing booth, decontamination area, working stations, quarters ng medical staff, nurse stations at wash area. Ito rin ang isa sa pinakamalaking quarantine facility sa Calabarzon region. 

“It’s just standard, what we did is 'yung frontliner mayroong decent din na facility for them, 'yung accommodation, kasi napakahirap naman na 'di mo bibigyan ng maayos na facility ang mga doctors, med tech,” sabi ni Quezon Gov. Danilo Suarez. 

Sa ngayon, nagpapagaling na sa quarantine facility ang 9 na pulis na may mild symptoms ng COVID-19. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.