Pulis patay nang tambangan ng mga hinihinalang rebelde sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 02:46 PM | Updated as of Jun 24 2020 03:19 PM

Patay ang isang pulis matapos umanong tambangan ng mga hinihinalang rebelde sa bayan ng Jovellar, Albay nitong umaga ng Miyerkoles.

Ayon kay Police Col. Primitivo Bayongan Jr., hepe ng Albay police, nagpapatrolya ang isang tropa ng 1st Provincial Mobile Force Company sa may Barangay San Isidro nang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army.

Bukod sa isang nasawi, 3 pulis pa ang nasugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Tatlong araw nang nagsasagawa ng operasyon sa lugar ang tropa dahil sa impormasyong may aabot sa 20 rebelde ang namataan sa may Guinobatan, Albay, ayon kay Bayongan.

Posible umanong ito ang mga nakasagupa ng mga pulis.

Inabot nang halos 20 minuto ang palitan ng mga putok sa pagitan ng mga pulis at rebelde.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.