2 Pinoy seafarer sinagip ang kasamahang Koreano na nahulog sa dagat bandang Indonesia

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 11:15 AM | Updated as of Jun 24 2020 04:14 PM

Earl Santillan Dotimas

(UPDATE) Sinagip ng dalawang Filipino seafarer ang kasamahan nilang Koreano nang mahulog sa dagat noong nakaraang linggo sa may bandang Indonesia.

Naka-angkla ang barkong pinagtatrabahuhan nina Vrose Santillan at Archiebald Canaria nang aksidenteng mahulog ang isang crew na Korean national, ayon sa kanilang mga kapatid na sina Earl Santillan Dotimas at Matet Canaria.

Tulog umano si Archiebald nang marinig ang alarm na may crew member na aksidenteng nahulog sa dagat. Dali-dali umano itong rumesponde at nakitang naka-inflate na ang life vest ng Koreano sa tubig.

Nahirapan umano ang ilang crew sa pag-rescue sa Koreano dahil malakas ang alon kaya tumalon na rin sa dagat si Vrose na sanay lumangoy.

"Naglukso gid tana siguro kay ti buruligan mo, kay batang pantalan na siya kamaan tana maglangoy. Gin risk gid tana ang kaugalingon nga magbulig," ani Earl.

(Tumalon na siya siguro kasi kinakailangan na ng tulong. Batang pantalan siya kaya marunong lumangoy. Nilagay niya sa risk ang sarili para makatulong.)

Na-rescue ang Korean national sa tulong din ng ibang crew member ng barko.

Tinangka ng Koreano na bigyan ng reward money ang mga Pilipinong crew member pero ang tinanggap nila ay ang snacks na inalok nito.

Nagpasalamat ang mga pamilya ng seafarer na ligtas ang mga ito matapos makatulong sa kasamahan sa barko.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.