Pinakamataas sa isang araw: 25 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Western Visayas

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 05:46 PM

Nasa 25 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa Western Visayas ngayong Miyerkoles, ayon sa tala ng Department of Health Region 6. 

Ito na ang pinakamataas na bilang ng bagong kasong naitala sa rehiyon sa isang araw, at umabot na sa 228 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng sakit.

Sa bilang ng mga bagong kaso, 21 ang mula sa Negros Occidental. Lahat ng pasyente ay nananatili sa mga quarantine facility. Tatlo ang mula sa Iloilo, habang isa naman ang mula sa Bacolod City.

Karamihan sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa Negros Occidental ay mga na-stranded mula sa Cebu. Dahil dito, nag-abiso na ang Department of Health Region 6 sa mga na-stranded pati na sa mga repatriated overseas Filipinos workers na dapat sundin ang quarantine protocol para maiwasan ang pagtaas ng kaso.

Sa kabuuan, may 68 nang COVID-19 cases sa Negros Occidental at 30 naman sa Bacolod.

Samantala, bilang hakbang para matugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental, pansamantalang hindi muna ito tatanggap ng mga locally stranded individuals (LSI) mula Cebu, kung saan mabilis ngayon ang pagkalat ng COVID-19. 

Ito'y dahil nakita ng Provincial Incident Management Team na karamihan sa bagong cases sa Negros Occidental ay mga umuwi mula sa Cebu.

Ayon kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, wala nang bakanteng quarantine facility sa probinsya. Puno na ang quarantine facility sa Cadiz City pati na rin ang mga quarantine facilities na nasa iba’t ibang bayan at lungsod ng Negros Occidental.

Kasalukuyang may ipinatutupad na travel ban sa Cebu City, na sa ngayon ay nasa mahigpit na enhanced community quarantine dahil sa dami ng nahahawa sa sakit. 

Nananawagan si Lacson sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ipatupad na rin ang travel ban sa buong probinsiya ng Cebu.

"As much as possible we don't like to be receiving positive cases and it's very clear that the epicenter right now is in Cebu, precisely why the president has even instructed Secretary Cimatu to take charge of the situation in Cebu," ani Lacson.

Itinalaga kamakailan ng pangulo si Environment Secretary Roy Cimatu na pangunahan ang pagsugpo sa coronavirus sa Cebu. 

Hinihingi rin ni Lacson sa Department of Education na sana pahintulutan ang extension sa paggamit ng mga paaralan na nagsisilbing quarantine facility.

Nakatakda na rin kasing gamiting muli ng DepEd ang mga eskuwelahan lalo na’t naghahanda na rin sila sa nakatakdang pagbubukas ng klase.

"Because you know DepEd is now telling our LGUs to vacate their school buildings but we all know that many of our third and fourth class municipalities cannot afford to put up their own facilities that is why from the very beginning they use school buildings," paliwanag ni Lacson.

Sa buong Pilipinas, pumalo na sa 32,295 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 nitong Miyerkoles. Sa bilang na ito, 8,656 na ang gumaling habang 1,204 na ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.