OFWs na nawalan ng trabaho sa Jeddah hiling na ma-repatriate

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 01:29 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Hiniling ng isang grupo ng mga overseas Filipino workers sa Jeddah sa Saudi Arabia na makauwi na ng Pilipinas, matapos matanggal sa trabaho gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Kuwento ni JM Maquiling at ng ilan sa kaniyang kasamahan sa TeleRadyo ngayong Miyerkoles, karamihan umano sa kanila ay hindi na sumasahod magmula noong Pebrero, pero sagot naman ng kumpanya ang kanilang tirahan habang naghihintay ng biyahe pauwi. 

Iyon nga lang, ayon kay Maquiling, hindi umano sila pinapansin ng agency na dapat nilang makausap para maproseso ang kanilang papeles sa kanilang pag-uwi. 

"Tinanggal na po kami kasi ang ano po sa amin, pangako sa'min, eh makakauwi po kami kapag nag-sign kami ng exit letter po," ani Maquiling. 

May iba naman aniya na pinagtrabaho sa kulungan doon bilang part-time worker. 

Para mairaos ang lockdown, kumukuha ng pagkain mula sa kulungan ang mga pinagtatrabaho roon at iyon umano ang pinaghahati-hatian nila. 

‘Yung mga kasamahan po namin dito, yung last sweldo, pinagahatian namin. ‘Yung iba, nagpa-part time sa kulungan; yung mga tirang pagkain, malinis naman po,dinadala po nila dito sa bahay,” ani Maquiling. 

Pinangangambahan rin nilang mahawahan ng COVID-19 dahil may mga kaso na umano doon sa kulungang pinagtatrabahuan ng ilan sa kanilang kasamahan. Anila, may isa sa kanila ang pansamantalang nakahiwalay dahil tinuturing nila itong PUI (person under investigation).

“Hiling namin ay makauwi kami... Apat na buwan na kami dito. Yung OWWA, walang naibigay sa amin. Maski isang kilong bigas, walang naiabot sa amin," ani Maquiling. 

Ayon kay Jay Teves, OIC ng Advocacy and Social Marketing Division ng Overseas Workers Welfare Administration, makikipag-ugnayan sila sa grupo para mabigyan na ng tulong at maproseso ang kanilang mga dokumento para makauwi. 

“Kung magkakaroon ng exit visa at cooperative naman ang inyong employer, mas madali ang proseso sa pagpapauwi sa inyo,” sabi ni Teves.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.