'Na-waitlist': Ilang PWDs umaasang maaayudahan sa ika-2 bugso ng cash aid

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 04:37 PM | Updated as of Jun 24 2020 08:04 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Professional singer si Ronie Golez, isang person with disability, at kadalasang may gig sa mga restaurant bar para suportahan ang kaniyang pamilya. 

Pero ngayong panahon ng lockdown at sarado pa ang mga bar, isa si Golez na umaasa na mabigyan ng ayuda matapos ma-waitlist sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan. 

"As PWD kailan man, hindi ako umasa sa tao, nagtatrabaho ako ever since I started kumanta sa bar at the age of 16 to support my studies, so ang sabi ko roon, kung hindi naman dahil sa lockdown hindi maapektuhan ang aking kabuhayan na dapat ay susuporta sa aking pamilya," ani Golez. 

Ang kapit-bahay ni Ronie na si Ronnie Vibar, umaasa ring mapasama sa pangalawang ayuda ngayong wala siyang trabaho at inaalagaan niya ang na-stroke na ama.

"Ang appeal ko lang sa government siguro manduhan ang mga in-charge sa nagbibigay ng ayuda para maging efficient ang bigayan sa mga nangangailangan," ani Vivar. 

Sa tantiya ng organisasyong PWD Philippines, 15 porsiyento ng populasyon ng bansa ay mga may kapansanan. 

Marami nang natatanggap ang organisayon na reklamo, sa Metro Manila man o sa mga probinsiya na hindi sila napapasama sa SAP sa kabila ng kanilang sitwasyon. 

“Minsan nakaka-hinananakit yung ganoon na alam mo ang pangangailangan mo na qualified ka bakit hindi ka nakatanggap samantalang kapit-bahay mo hindi qualified nakatanggap, yun ang isang ano, kasi dineprive ka na ka agad eh,” ani Errol Barba, PWD Philippines Board Chairman. 

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, may 1.3 milyong benepisyaryo na karamihan ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino sa Norte ang nabahaginan na ng SAP. 

Target nila na sa katapusan ng Hunyo ay matapos na ang pamamahagi ng cash aid na natatagalan sa ibang lugar dahil sa pagsisigurong walang makakuha ng dobleng ayuda. 

“We are just emphasizing the need to complete the de-duplicaiton process para matiyak natin na ang ayuda mula sa kaban ng bayan ay mabahagi doon po sa kwalipikado at nangangailangan,” ani DSWD Spokesperson Irene Dumlao. 

Para naman sa PWDs, kung kwalipikado sila ay pasok sila sa pangalawang bugso ng ayuda. 

"Buo ang tiwala ng DSWD na ang ating mga eligible families ‘yun pong kabilang sa low income at may mga family members na kabilang sa vulnerable or doon sa mga tinatawag nating mga senior citizens or PWD na sila ay nakapagsumite ng apela sa kanilang local social welfare development officers," ani Dumlao. 

Kung hindi man kwalipikado para sa SAP, payo ng DSWD na mag-apply sa iba pang mga programa at serbisyong maaaring makuha sa local social workers. — Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.