Mga taga-Cebu City nagkumahog mamili matapos kanselahin ang quarantine pass

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 06:34 PM | Updated as of Jun 24 2020 09:07 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kasabay ng pagkansela ng pulisya sa quarantine pass ng mga taga-Cebu City, naglabasan at nagkumahog ang mga Cebuano na mamili ng kanilang pangangailangan, tulad ng pagkain, gamot, at iba pa. 

Ayon sa Police Regional Office 7, umabot sa 250,000 ang mga quarantine pass na unang naibigay ng lungsod sa mga tao noong Marso kaya gusto nilang i-revalidate kung sino lang ang bibigyan ng quarantine pass.

Martes ng gabi nang magsimulang mag-ikot ang mga pulis at sundalo sa mga lansangan ng Cebu City. Ipinapaalam nila na hindi na magagamit ang quarantine pass pagsapit ng alas-10 ng gabi. 
    
Ibig sabihin, wala nang maaring lumabas maliban sa mga frontliner at 'yung authorized persons outside residence.

Pero sa kabila nito, marami pa ring mga tao sa kalye ngayong Miyerkoles.

Naglagay ng checkpoints sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 pero dahil biglaan, may mga hindi nakaalam na paso na ang kanilang quarantine pass.

May mga umapela kaya pinalusot muna at binigyan ng warning.

Humaba tuloy ang pila sa grocery stores at supermarket dahil sa mga naghahabol makabili ng mga kailangan. Karton-karton ang kanilang mga pinamili na tila pang-dalawang linggong suplay.

Simula Huwebes, mas mahigpit na ang mga pulis sa mga residente.

"We have to implement lang na kahit magdala ng quarantine pass ay hindi na pwede. We have to limit the flow of pedestrian," ani Police Col. Cydric Tamayo, OIC director ng Cebu City Police. 

Ayon naman kay Cebu City Mayor Edgar Labella, papalitan nila ang mga quarantine pass pero pag-uusapan pa kung paano nila gagawin ang pagbibigay ng mga ito at kung sino ang bibigyan.

"I ask for your for your calm understanding, as we work out the details, in coordination with the DILG and national agencies," ani Labella.

Hanggang ngayon ay wala pang schedule kung kailan magbibigay ng bagong quarantine pass. Wala pa ring ibinibigay ang Cebu City government na guidelines sa bagong pass.

Umabot na sa mahigit 4,000 ang mga nagka-COVID-19 sa Cebu City.

Noong Lunes ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Environment Secretary Roy Cimatu na pangunahan ang pagpuksa ng lungsod sa COVID-19.

Maaalalang ibinalik sa enhanced community quarantine ang Cebu City dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.