'Mga namatay sa COVID-19 abroad dapat cremated bago maiuwi'

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 04:47 PM

MAYNILA — Wala pang rekomendasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa hiling ng mga kaanak ng mga OFWs sa Saudi na nasawi sa COVID-19.

Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na ilibing na lang sa Saudi Arabia ang nasa 100 OFWs na namatay doon sa COVID-19 dahil sa "danger of transmission."

Pumalag naman ang ilang mga kaanak sa desisyon na ito. 

Sa pagdinig ng Senate committee on labor, employment, and human resources nitong Miyerkoles, sinabi ni Bello na ang protocol ay i-cremate ang mga namamatay sa COVID-19 na OFWs bago iuwi sa bansa.

Pero may mga bansa aniya na ipinagbabawal ang cremation gaya ng Saudi Arabia kaya ang rekomendasyon ay ilibing na lang doon ang nasawing OFWs.

Ang Department of Health (DOH) naman, may nakikitang problema sa pag-uwi sa bansa ng mga bangkay ng mga OFW.

"That becomes a concern because ang infectious disease kailangan sa origin pa lang before it is transferred through the airlines or ship kailangan cremated na," ani DOH undersecretary Mario Villaverde.

Ayon kay Bello, sa Huwebes ay pag-uusapan ng IATF ang hiling na ito ng mga kaanak ng mga OFW. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.